Inihayag ng aktor na si Dennis Padilla na ikinasal sa kapwa babae ang panganay niyang anak na si Dianne Baldivia sa Amerika.

“My eldest daughter Dianne, who is 30 years old, is married to Katx who is also a woman. And I respect them because mahal ng anak ko, eh,” sabi ni Dennis sa ulat ni Jojo Gabinete sa PEP.ph nitong Miyerkules.

Ibinahagi ni Dennis ang impormasyon matapos siyang makatanggap ng mga puna mula sa LGBT community dahil sa isang eksena sa pelikula na kasama ang isang transgender woman.

Sa trailer ng pelikula, nakaniig ni Dennis ang transgender woman at nagulat siya nang makita niyang umiihi ito nang nakatayo.

Paglilinaw ni Dennis, mataas ang respeto niya sa LGBTQ community dahil kabilang dito ang isa niyang anak.

“So, nang ikasal sila sa Amerika, I was happy for them. Ako pa ba ang babastos sa LGBTQ, e, yung daughter ko, asawa babae? Legally married sila sa California,” paliwanag niya.

Si Dianne ay panganay na anak na babae ni Dennis sa unang asawa niya na si Monina Gatus.

Ikinasal sina Dianne at Katx sa California noong September 2019. – FRJ, GMA News