Laking gulat ng pamilya ng isang kambal na sanggol na 14 na taon nang patay nang makita nilang hindi naagnas ang bangkay ng mga bata nang buksan nila ang puntod sa Pampanga.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing premature o pitong buwan lang nang iluwal ng ina ang kambal sa kanilang bahay.

Hindi kaagad nadala sa ospital ang kambal na lalaki kaya pumanaw din kinalaunan at kaagad ding inilibing.

Ayon sa ina, napapanaginipan niya ang kaniyang kambal na naglalaro at kung minsan ay katabi niya.

Nitong nakaraang buwan, binuksan ang puntod ng kambal para ilipat sana sa ibang nitso at doon nila nakita ang kondisyon ng kambal na para lang umanong natutulog.

Gayunman, tanging ang mukha lang ng kambal ang makikita sa video at hindi nakita ang kanilang katawan dahil natatakpan.

Bakit nga ba hindi naagnas ang mga labi ng kambal at may nais kaya silang ipahiwatig? Ano naman ang paliwanag ng eksperto sa naturang pangyayari? Panoorin ang video ng ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News