Kinahabagan ang post ng isang guro tungkol sa litrato ng dalawang lata ng gatas na ginawang baunan ng kaniyang mga estudyante sa Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat. Sa loob, naroon ang kanin na may halong asin, pero higit siyang nabahala nang makitang kinakalawang na ang loob ng mga lata.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alamang nakatira sa isang kubo sa liblib na sitio ng Senator Ninoy Aquino ang magpipinsang sina Eboy, Richard, Cristine, JR at April, na mga batang nagmamay-ari ng latang baunan.
Kasama nilang nakatira sa kubo ang kanilang Lola Dopet Manguda, na nagtitimpla ng kape bilang pinaka-almusal ng mga bata.
“Minsan, wala kaming pagkain. ‘Yung baon ng mga bata, minsan saging o kaya gabi. Minsan walang wala na talaga. ‘Yung mga bata, wala na rin. Hindi na makakain,” saad ng lola.
Dahil dito, kaning bahaw na tira na lamang sa nagdaang gabi ang kanilang babaunin.
Ilang saglit pa, inihanda na niya ang babaunin ng mga bata na isinilid sa luma at kinakalawang na lata ng gatas.
“Ito ang baunan ng mga bata, lata. Anong magagawa namin? Hindi kami makabili ng totoong baunan dahil walang pera. Asin lang. Wala kaming ulam,” anang lola.
Mag-aapat na taon na nang tumayo siyang ina ng kaniyang mga apo. Ayon sa kaniya, naghahanapbuhay din minsan ang mga ama ng mga ito pero kapos sa suporta.
Patay na ang nanay ng magkapatid na sina JR at April.
Limang kilometro ang nilalakad ng mga bata mula sa Sitio Blanaw, bago marating ang Sitio Megpanga kung saan naroon ang kanilang eskuwelahan.
Makaraan ang isang oras, narating ng magpipinsan ang Kuden Elementary School, na pinalalakad ng grupong SULADS o ng Socio-economic, Uplift, Literacy, Anthropological and Developmental Services, isang NGO o non-government organization.
Dalawa lamang ang classroom nito. Isang silid ang pinaghahatian ng mga Grade 3 hanggang Grade 6 pupils, kung saan naroon si April. Sa kabila naman magkakasama ang mga kinder hanggang Grade 2, kung saan naroon sina Cristine, Richard, RJ at Eboy.
Dahil pananghalian lamang ang baon nina Cristine, nakipaglaro na lang sila sa kanilang mga kaklase sa halip na kumain noong recess.
Nang lunch break, nag-uwian ang karamihan ng mga estudyante para mananghalian, pero nagpaiwan ang magpipinsan sa kanilang classroom para doon na kainin ang kanilang baon.
“Minsan po nahihiya kami. Kasi kanin lang ang baon namin, walang ulam,” sabi ni Cristine. “Gusto kong magkaroon ng magandang baunan. Para maganda.”
“Na-shock po ako nu'ng paglabas po nila sa bag nila, nilabas po nila 'yung baunan nila. It was new to us na doon sila kumakain,” sabi ni Shyrdene Kate Santender, volunteer teacher.
Pamilyar na sa mga guro ang lata, dahil ito rin ang lata ng mga gatas na ipinamigay nila sa mga estudyante.
Ikinababahala ng mga guro na kinakalawang na ang mga lata na ginawa nang baunan ng magpipinsan.
“Takot nga po tayo masugatan ng pako na may kalawang. How much more 'yung pagkakainan natin o 'yung kinakainan natin ay may kalawang na,” sabi ni Teacher Kate.
Dahil dito, kinuhanan ni Teacher Kate ng litrato ang mga lata at ipinost sa social media.
“Sometimes we complain about little things in life and we forget to realize how blessed we already are,” sabi niya.
Ayon naman kay Lola Dopet, dahon ng saging ang dating baunan ng mga apo.
“Naisipan ng mga bata na lata ang lagayan para hindi na kami kukuha ng dahon ng saging. Sa mga bata, gusto nila ng baunan. Kahit anong baunan lang, basta maayos at hindi nakalata,” sabi ni Lola Dopet.
Kumakayad na arawan si Lola Dopet sa pagdadamo ngunit hindi sapat ang kaniyang kinikita na P300 sa isang araw.
Tunghayan sa KMJS ang ipinaabot na tulong ng programa, pati na rin ng lokal na pamahalaan, sa magpipinsan at sa kanilang lola para sa kanilang kakainin at kabuhayan. Panoorin. – FRJ GMA News
