Nadakip na ng mga awtoridad ang lalaking umatake at sumipa sa mukha ng isang 65-anyos na Pinay sa Times Square sa Manhattan, New York City.  Samantala, $2,500 naman ang pabuyang alok para madakip ang umatake sa isang Asyano sa loob ng tren sa NY subway.

Sa Twitter post ng  NYPD Hate Crimes, sinabing mahaharap sa kasong Felony Assault as a Hate Crime, ang black American na nahuli-cam na tumadyak sa biktimang si Vilma Kari.

Sa kuha ng CCTV, nakasalubong ng biktima ang salarin at basta na lang siya sinipa sa sikmura.

Nang matumba ang Pinay, pinagsisipa pa siya ng salarin sa mukha bago umalis.

"Detectives, the individual wanted for Monday’s assault of a 65 year-old Asian female, at 360 West 43rd St, was arrested and charged with Felony Assault as a Hate Crime," saad sa post.

 

 

Sa isa pang insidente ng hate crime, nahuli-cam din sa loob ng tren ang ginawang pag-atake ng isang black American sa isang lalaking Asyano.

Pinagsusuntok ng salarin ang biktima at saka sinakal hanggang sa mawalan ng malay.

Patuloy na pinaghahanap ang salarin at nag-alok ang mga awtoridad ng $2,500 na pabuya para madakip ito.

"Need MORE info re: Sat, 3/27/21, approx. 8:00 PM, 'J' Train at Kosciuszko Station, the perpetrator Downwards arrow assaulted a male victim. Call 1-800-577-8477. Reward up toHeavy dollar sign2,500 payable by Crime Stoppers upon arrest and indictment of the person(s) responsible for the above listed crime," ayon sa post ng NYPD.

 

 

Makikita rin sa Twitter account ng NYPD Hate Crime ang iba pang pinaghahanap na salarin kaugnay sa pag-atake sa mga Asyano. --FRJ, GMA News