Ibinahagi ni Arci Muñoz kung ano talaga ang nangyari sa Boracay na inakala ng marami na talagang nauwi sa pag-iibigan ang pagiging magkaibigan nila ni JM de Guzman.

Unang lumabas ang ulat na makikita ang aktor na si JM na nagbigay ng bulaklak kay Arci at sinabing, "Matagal na tayong mag-best friends pero, pwede bang manligaw?"

"Just really glad that the whole family was able to witness this beautiful moment," saad ni Arci wrote sa caption at may hashtags na #mayforever #frombestfriendstolovers and #righttime.

Sa bagong vlog ng aktres, ipinakita ang buong video at lumitaw na ang hawak na bulaklak ni JM ay para talaga sa gagawing proposal ng kapatid ni Arci na si Manolet sa partner nito na kasama rin sa Boracay.

Katunayan, "No!" ang sagot ni Arci sa tanong ni JM na "ligaw" na may kasama pang pabirong sipa ng aktres sa aktor.

Ang naturang bulaklak na ibinigay ni JM kay Arci, ibinigay naman ni Arci kay Manolet, at iniabot sa kaniyang partner na si Kris.

Hindi makapaniwala si Kris na para sa kaniya pala ang sorpresa at pati raw siya ay kinilig nang inakalang totoong manliligaw si JM kay Arci.

Lumuhod naman si Manolet kay Kris at saka inalok ng kasal ang kaniyang nobya.

Sa dulo ng video, binati ni Arci ang kaniyang kapatid at si Kris.

Nilinaw din ni Arci na ginawa nila ang proposal noong wala pang ipinatutupad na ECQ. --FRJ, GMA News