Hindi akalain ng triplet na sina Teresa, Corazon at Victor Bulaklak na mabubuo at muling silang magkakasamang tatlo kahit 60 taon na silang nagkawalay matapos silang ipaampon ng kanilang ina.

Mula nang ipaampon sa mga kamag-anak ng kanilang magulang, unang nagkita at nagkasama sina Teresa at Corazon noong mga dalagita na sila. Pero hindi kaagad nila nalaman na magkapatid sila at kambal pa.

Nalaman lang nila ang katotohanan nang bumalik ang kanilang ina at ipagtapad ang lahat sa kanila--pati na ang tungkol sa kanilang ka-triplet na lalaking si Victor.

Pero si Victor, naglayas at napadpad sa malayong lugar bago nakupkop ng ibang pamilya.

Nang mapanood ng pamilyang kumupkop kay Victor ang kuwento nina Teresa at Corazon na unang itinampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakipag-ugnayan sila sa programa.

Sa tulong ng DNA test na isinagawa kina Victor at Teresa, inilabas sa episode ng "KMJS" nitong Linggo na kumpirmado na magkapatid ang dalawa, at si Victor nga ang nawawala nilang ka-triplet.

Tunghayan ang nakaantig na tagpo at ano ang planong gawin ng triplet ngayong nabuo na silang muli makaraan ng 60 taon. Panoorin.

--FRJ, GMA News