Gustong-gusto raw ni Kaye Abad na bumalik sa showbiz, pero inilahad niya kung bakit hindi niya ito maaaring gawin sa ngayon.

"Gustong-gusto kong bumalik, pero ang hirap. I think buntis na ako no'n, I just found out that I was pregnant. And then nag-text ang handler ko may offer sila na soap opera. Maganda ang role, maganda lahat," kuwento ni Kaye sa online talk show na "Just In" na host si Paolo Contis.

BASAHIN: Kaye Abad, inaming crush niya noon si Paolo Contis pero iba ang gusto ng aktor

Ayon sa kaniya, gusto muna niyang tutukan ang kaniyang pamilya.

"Hindi puwede, buntis na ako. So priority ko talaga ngayon is family muna, na makabuo ng family," sabi ni Kaye.

"Kasi kung magtatrabaho ako ng full time, let's say I would stay there mga three months the most, hindi naman ako mabubuntis sa Maynila na wala ang asawa ko," dagdag ni Kaye.

Natatawang biro ni Paolo, "Hindi natin masabi!"

"Baka sa iba!?" natatawa namang sagot ni Kaye.

"Hindi talaga puwede. Sabi ko, sige, kung para sa akin talaga itong showbiz, makakapaghintay naman sila."

Bukod dito, wala ring problema kay Kaye kung alukin siya na gumawa ng pelikula.

Nang tanungin kung papayagan niya ang mga anak niya na mag-showbiz, tugon ng aktres, "Ngayon, ayoko."

"Kung gusto talaga nila ha. Hindi ko sila ipipilit na 'Sige, sige.' Kapag mga tipong 13, 14 na, 'pag ganu'n na siguro," anang actress.

"Dati kasi ayoko talaga dahil 'yung oras ng trabaho. Pero ngayon nagbago naman na. So I guess kung gusto talaga niya, hindi ko siya pipigilan," sabi ni Kaye.

Inaasahan na nina Kaye at asawang si Paul Jake Castillo ng kanilang ikalawang anak.

May isa silang anak, si Joaquin. --FRJ, GMA News