Hindi inakala ng mga taong nagpunta sa isang swimming pool resort sa Matanao, Davao del Sur, na ang masaya nilang outing, mauuwi sa matinding takot dahil sa isang insidente na hindi nila inaasahang mangyayari.

Sa video na ipinalabas sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikitang nabalot ng mga dahon at mga sanga ng puno ang malaking swimming pool sa resort.

Kasabay nito ang pagkakagulo at hiyawan ng mga tao para hanapin at iligtas ang kanilang mga kasamang nawawala.

Kabilang sa mga malubhang nasugatan sa insidente si Diolina na naipit sa mga sanga ng puno habang nasa tubig at natusok pa ng kahoy sa kaniyang tagiliran.

Bago ang insidente, nakarinig din ng malakas na tunog ang mga tao. At hindi nagtagal, nangyari na ang hindi nila inaasahan.

Ang nagkalat na mga dahon at mga sanga, nanggaling sa isang malaking puno na nasa loob ng resort. Pero ano  nga ba ang ugat ng insidente at nalagay sa peligro ang buhay ng mga taong naroroon? Tunghayan ang video ng "KMJS" sa itaas. --FRJ, GMA News