Kung may sanggol na puro katinig ang letra ng pangalan na si Ghlynnyl Hylhyr Yzzyghyl, mayroon ding bata na puro patinig naman ang pangalan. Kilalanin si Aeiou Viloria.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kahit dalawang taong gulang pa lang ay mahusay nang magbaybay si Aeiou.

Ayon kay Dominick Viloria, ama ni Aeiou, nasa sinapupunan pa lang ang anak ay nag-isip na raw sila ng unique na pangalan.

Ang misis daw niyang si Jessica ang nakaisip ng pangalan ng kanilang anak.

KILALANIN: Baby na Ghlynnyl Hylhyr Yzzyghyl ang pangalan, 'Consonant' ang palayaw

ALAMIN: Pangalan nina Pia Arcangel at Atom Araullo, alamin saan kinuha
 

Ayon kay Jessica, sinadya niyang maging kakaiba ang pangalan ng anak para hindi na maranasan ang paghihirap ng mga taong katulad niyang marami ang kapangalan.

Isa raw sa problema ng mga taong maraming kapangalan ay ang hirap sa pagkuha ng clearance sa National Bureau of Investigation.

Bukod sa kakaiba, madali pa raw tandaan at baybayan ang pangalan ni Aeiou.

Batid naman daw ng mag-asawa na posibleng maging katatawanan ang pangalan ng anak sa hinaharap kaya inihahanda na nila ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng magandang asal.--FRJ, GMA News