Pinag-aaralan ng mga Dutch researcher kung magagamit sa pag-detect ng COVID-19 ang mga bubuyog na may pambihirang abilidad sa pang-amoy. Sa ganitong paraan, mapapaigsi lang sa segundo ang resulta ng COVID-19 test.

Sa ulat ng Reuters, sinabing sinasanay ng mga scientist sa bio-veterinary research laboratory sa Wageningen University ang mga bubuyog.

Binibigyan ng sugary water ang mga bubuyog bilang pabuya kapag nakapagbigay sila ng sample na infected ng COVID-19.

Ayon kay Wim van der Poel, ng professor ng virology na bahagi ng proyekto, kapag nasanay ang mga bubuyog sa sistema, ilalabas ng mga ito ang kanilang dila na parang straw para tanggapin ang pabuya kapag infected ang ibinigay sa kanilang sample.

"We collect normal honeybees from a beekeeper and we put the bees in harnesses," anang propesor. "Right after presenting a positive sample we also present them with sugar water. And what the bees do is they extend their proboscis to take the sugar water."

Kung inaabot umano ng ilang oras o araw bago lumabas ang resulta ng COVID-19 test, sa pamamagitan ng mga bubuyog, magiging segundo na lang ito at mas mura pa.

Ang naturang sistema ay maaari umanong magamit sa mga bansa na hirap sa pagsasagawa ng COVID-19 test.

Pero si Dirk de Graaf, isang propesor na nag-aaral sa mga bubuyog, insekto at animal immunology sa Ghent University sa Belgium, mas nanaisin pa rin ang paggamit ng kasalukuyang sistema sa COVID-19 testing.

"It is a good idea, but I would prefer to carry out tests using the classic diagnostic tools rather than using honeybees for this. I am a huge bee lover, but I would use the bees for other purposes than detecting COVID-19," saad niya.

Aminado naman si De Graaf, na ang "insect sniffing" technique ay naging mabisa sa ginawang pag-aaral noong 1990's ng U.S. Dept. of Defense para sa pag-detect explosives at toxins.

Sabi pa ni De Graaf, ang mga moth, bees at wasps ay ginamit umano "for safety purposes to detect explosives as well as for medical diagnosis."

Gayunman, sa ngayon ay maliit umano ang kaalaman sa ginagawa sa Wageningen kung epektibo ang mga bubuyog sa pag-test sa COVID-19 ngunit bukas ang kaniyang pananaw tungkol dito.--Reuters/FRJ, GMA News