Dahil nagkaroon ng oras na manatili lang sa bahay ang marami mula nang magkaroon ng pandemic, ang ilan sa kanila, naisipang mag-DIY ng swimming pool sa bahay.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kabilang ang mag-asawang Bayani at Dolly Roque ng Hagonoy, Bulacan, sa nagtiyagang hukayin ang kuwartong dating tambakan ng gamit para gawing swimming pool.

Noong una, plano lang daw nilang bumili ng inflatable swimming pool. Pero dahil masisira rin ang naturang pool, sinabi ng kanilang anak na gumawa na lang sila ng sarili nila sa bahay.

Inabot daw ng tatlong buwan para magawa ng mag-asawa na maging swimming pool ang dating bakanteng kuwarto.

Ang pamilya Abaya naman, ang dating kulungan ng baboy ang naisipang gawing swimming pool na with lights and sounds pa.

Ayon kay Marvin, natutunan lang niya ang paggawa ng naturang pool sa panonood sa internet. --FRJ, GMA News