Isang lalaking delivery rider ang nahuli-cam na hinipuan ang isang 23-anyos na babaeng naglalakad sa Quezon City.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa CCTV footage sa Barangay Mariana, na naglalakad ang babae noong May 14 nang madaanan niya ang suspek na nakatayo sa bangketa.

Nilampasan ng babae ang suspek at nagpatuloy sa kaniyang paglalakad.

Hindi namalayan ng biktima na sinundan siya ng suspek at nang magkaroon ng pagkakataon ay hinipo ng lalaki ang likurang bahagi ng babae.

Nagulat ang babae at napatakbo sa takot.

Tumakbo rin ang suspek at sumakay naman sa motorsiklo.

"Nanginginig po sa takot," anang barangay official tungkol sa biktima nang magreklamo.

Nakilala ang suspek kinalaunan na si Justin De Guzman, na napag-alaman na dati na ring inireklamo dahil sa panghihipo.

"Actually itong victim na 'to, siya ang nagbigay sa atin ng name. Desidido raw po siyang isampa 'yong reklamo para nang sa ganoon, 'yong mga kababaihang nabiktima tulad niya, makapagsampa kaukulang reklamo laban dito sa suspek," ayon kay QCPD Station 11 commander Police Lieutenant Colonel Elizabeth Jasmin.

Mahaharap si De Guzman sa reklamong acts of lasciviousness. — FRJ, GMA News