Sinagot ni 2017 Reina Hispanoamericana queen Teresita Ssen "Winwyn" Marquez ang tanong ng netizen kung may plano pa ba siyang sumali sa Miss Universe Philippines.

Nag-ugat ang tanong nang mag-post si Winwyn ng video sa Instagram nang rumampa siya sa swimsuit competition sa sinalihang beauty contest noon.

"Pang miss u pwede pa ba?" tanong ng kaniyang follower tungkol sa video.

"No na," tugon naman ni Winwyn na may kasamang smiley face at purple heart emoji.

Sa video, makikita ang kaseksihan ni Winwyn habang naglalakad sa runway na suot ang gold two-piece bikini.

"People have been tagging me non stop sa video na to' so might as well post it on my feed," saad niya sa caption. "Oh how time flies. Thank you sa nag video."

 

 

Ipinost din ng Kapuso actress sa Instagram Stories ang video na ang unang nag-share may username na marghauux.

Sa orihinal na post, inilagay ng netizen ang kaniyang "biggest 'what if' in pageantry."

"The first Asian and first Filipina Reina Hispanoamericana. What if she joined Miss Universe Philippines," saad pa sa caption.

Taong 2017 nang makuha ni Winwyn ang kauna-unahang Reina Hispanoamericana crown, na unang pagsabak din ng bansa sa naturang pageant.

Bago nito, kabilang si Winwyn sa Top 15 ng 2015 Binibining Pilipinas pageant. —FRJ, GMA News