Nahuli-cam ang pag-ambush sa isang pulis habang magmamaneho ng kotse sa Capas, Tarlac. Ang mga salarin na armado ng matataas na kalibre ng baril, nakatakas.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV "State of the Nation" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Micheal Maun, na nakatalaga sa PNP Aviation Group.

Sa kuha ng video, makikita ang biktima na sakay ng kotse at bigla siyang unahan ng mga salarin na sakay ng isa ring kotse.

Isang salarin na armado ng armalite ang bumaba sa kotse, pumuwesto sa harapan ng kotse ng biktima at nagpaulan ng bala.

May iba pang salarin na nagpapaputok din sa gilid ng sasakyan ng biktima.

Matapos ang pamamaril, nakita ang sasakyan na pinapaniwalaang ginamit ng mga salarin na inabandona sa highway tatlong kilometro ang layo kung saan tinambangan ang pulis.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung sino ang mga salarin at motibo sa krimen.--FRJ, GMA News