Isang babae at isang lalaki ang patay matapos silang pagbabarilin sa New Manila, Quezon City. Ang babaeng biktima, inilabas ng sasakyan at saka pinagbabaril sa daan.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente dakong 7 p.m. sa Broadway Avenue corner 6th Street sa Barangay Mariana.

Sakay ng kotse ang mga biktima ng tambangan ng mga salarin na tumakas sakay naman ng motorsiklo.

Inilabas pa ng mga salarin sa sasakyan ang babaeng biktima, habang sa loob ng kotse pinagbabaril ang kasama niyang lalaki.

Ayon sa ilang saksi, nagawa pa ng babaeng biktima na makahingi ng tulong bago binawian ng buhay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Quezon City Police District sa nangyaring krimen.-- FRJ, GMA News