Nauwi sa tulakan, suntukan at sabunutan ang sesyon ng mga mambabatas sa Bolivia.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa video ang dalawang lalaking mambabatas na ayaw magpaawat sa pagsusuntukan.

Mayroon ding dalawang babae na nagsasabunutan.

Ayon sa ulat, nagkainitan ang mga mambabatas mula sa panig ng oposisyon at administrasyon nang pagdebatihan ang usapin sa pag-aresto sa mga dating opisyal ng pamahalaan.

Noong 2019, nagbitiw sa tungkulin ang presidente ng Bolivia na mula sa ruling party dahil sa mga protesta na kumukuwestiyon sa kaniyang pagkapanalo sa ikaapat na termino.

Sa huli, naawat at napaghiwalay din ang mga nagsagupang mga mambabatas.--FRJ, GMA News