Inihayag ni Alwyn Uytingco ang kaniyang saloobin at hangarin na mabuong muli ang pamilya nila ni Jennica Garcia.

Sa Instagram post ng aktor nitong Miyerkules, ipinost ni Alwyn ang masayang larawan ng pamilya nila Jennica, kasama ang mga anak na sina Athena Mori at Alessi.

“Araw-araw, ito ang magiging dasal ko. Ito ang kakapitan ko. Ito ang papangarapin ko. Ito ang aasahan ko. Na balang araw, maging maayos na ang lahat,” saad ng aktor.

Bagaman batid ni Alwyn na hindi magiging madali, susubukan daw niya ito.

Nitong nakaraang buwan, kinumpirma ni Jennica na hiwalay na sila ni Alwyn.
Nilinaw naman ng aktres na hindi pinansiyal na usapin ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.

Nitong Linggo naman, inihayag pa rin ni Alwyn ang pagmamahal sa asawa.

Sa Instagram post, ipinakita ng aktor ang larawan ni Jennica na may flower bouquet at caption na, “mahal na mahal kita."

Taong 2014 nang magpakasal sila Alwyn at Jennica.-– FRJ, GMA News