Isang bagong silang na sanggol na iniwan sa halamanan ang natagpuang wasak ang katawan matapos kainin ng baboy sa Sultan Kudarat.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing nagtungo sa lugar ang mga awtoridad nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa nakitang patay na sanggol sa Barangay Banali.

Sa kanilang imbestigasyon, lumitaw na babae ang sanggol at nilalangaw na nang matagpuan ng isang babae.

Ayon naman sa may-ari ng baboy, nakatali naman ang kaniyang alaga pero naabot nito ang sanggol sa lugar kung saan ito iniwan.

Dahil wala naman daw nadinig na pag-iyak sa lugar, pinaniniwalaan ng mga awtoridad na maaaring patay na ang sanggol bago pa man lapain ng baboy.

Matapos maiproseso ng mga awtoridad ang labi ng sanggol, inilibing na ito.

Humihingi ng tulong sa mga residente ang pulisya para matukoy kung sino ang ina at nag-iwan sa sanggol sa naturang lugar. --FRJ, GMA News