Habang pula ang traffic light, nagsuntukan sa gitna ng kalsada ang isang traffic marshal at isang habal-habal driver sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bistak" nitong Miyerkules, ipinakita ang video na kuha ni Rasheed Limchui, sa salpukan ng traffic marshal at habal-habal driver sa ilalim ng flyover sa Barangay Lahug.

Kapwa nakasuot ng helmet ang dalawa na nagpakawala ng mga suntok at sipa habang pinapanood sila ng mga motorista.

Sinita umano ng traffic marshal ang driver dahil sa paglabag sa traffic light.

Natigil lang ang tila pagsasabong ng dalawa nang may dumating na traffic enforcer at pumagitna na rin ang ilang motorista.

Dinala ang dalawa sa Cebu City Transportation Office, at kapwa sila papanagutin sa kanilang inasal sa gitna ng kalsada.

Payo ng opisyal ng CCTO, huwag paiiralin ang init ng ulo sa naturang mga sitwasyon para maiwasan ang gulo.--FRJ, GMA News