Aminado si Julie San Jose na hindi siya sanay na makahawak ng katawan ng iba lalo na't abs nina David Licauco at Jak Roberto sa isang eksena sa "Heartful Cafe." Pero kaninong abs kaya ang mas panalo para sa aktres?

"Hindi ko in-expect 'yan ha," komento ni Julie nang tanungin tungkol sa kanilang eksena nina David at Jak sa video ng GMANetwork's "ArtisTambayan."

"Noong habang shinu-shoot namin 'yung eksena, tawang tawa talaga ako. Hindi kasi ako sanay maghawak ng katawan ng iba, kaya... ayun," dagdag niya.

Sa naturang eksena, nagpasiklaban sa ganda ng kanilang mga katawan sina Ace (David) at Jasper (Jak) para makuha ang atensyon ni Heart (Julie).

Pero sa mainit na pagtatalo ng dalawang lalaki, pumagitna si Heart, at nahawakan ang kanilang mga abs.

"Nakakagulat... Like of course being Heart, kailangan ay ma-execute rin nang maayos. Pero that time, as in solid tawang tawa ako, hindi ko alam kung bakit pero... ewan ko, it's just, wala, hindi ko alam kung anong mafi-feel ko that time eh," sabi ni Julie.

Matapos daw ang eksena, kinausap din ni Julie si Barbie Forteza na nobya ni Jak para mag-sorry.

"Kaya kinausap ko agad si Barbie, sabi ko 'Mare, sorry agad, sorry na talaga agad.' Sabi niya, 'Hindi hindi, okay lang!'"

Pero nang tanungin kung kaninong "pandesal" ang mas gusto niya, "Sa akin ko na lang... iki-keep ko sa sarili ko..." biro ni Julie.

Napanood ang "Heartful Cafe" sa GTV, bago ito ilipat sa GMA Telebabad.--FRJ, GMA News