Inihayag ni Pinky Aquino-Abellada ang dahilan ng pagpanaw ng kaniyang kapatid na si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III nitong Huwebes.

Sinabi ni Pinky sa mga mamamahayag sa Heritage Memorial Park sa Taguig na 6:30 am kanina nang ideklarang pumanaw na ang kaniyang kapatid.

Renal disease secondary to diabetes umano ang sanhi ng pagkamatay ng dating pangulo.

"He died peacefully in his sleep," saad niya.

Ayon pa kay Pinky, bago pa man magkaroon ng pandemic ay labas-pasok na sa ospital ang dating pangulo.

Humingi sila ng paumanhin na hindi kaagad nila naipaalam sa publiko ang nangyari sa dating pangulo dahil na rin sa ipinatutupad na health protocols maging sa ospital.

Kasabay nito ay nagpasalamat sila sa mga taong nagtiwala at sumuporta sa dating pangulo mula sa pagiging kongresista sa Tarlac at senador. 

Batay sa mga naunang ulat, dinala sa Capitol Medical Center sa Quezon City kaninang umaga ang dating pangulo.

Si Aquino, ay anak nina dating Pangulong Corazon Aquino at dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.--FRJ, GMA News