Nagmistulang nanalo sa beauty pageant ang isang COVID-19 survivor na umariba sa pagrampa habang lumalabas sa isolation facility sa Sultan Kudarat.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa video ni Gerzel Delin,  ang mala-Miss Universe na pagrampa ng pasyenteng si Babet Limbaga habang nakasuot ng PPE.

May mahaba pang tela na ginawang kapa si Lambaga kaya nagmukhang gown ang kaniyang PPE. 

Habang naglalakad, todo sa pagkaway si Limbaga na may suot din korona at may  pa-lobo at confetti pa.

Sinamahan pa ito ng tarpaulins, certificate at bouquet.

Hiyawan naman ang kaniyang fans sa nakaka-aliw niyang eksena.

Lahat ng mga dekorasyon ay donasyon lamang umano bilang pagsuporta sa kaniya.

Sinabi ni Babet na gusto niya lamang makapagpasaya sa ibang pasyente at frontliners na nasa pasilidad. --Jamil Santos/FRJ, GMA News