Laking gulat ng isang pamilya sa Cauayan, Negros Occidental nang makisali sa mga tuta para sumuso sa inahing aso ang bagong bili nilang biik na plano nilang katayin.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Western Visayas," sinabing planong katayin sa susunod na buwan ang biniling biik.

Pero nang mauwi sa kanilang bahay ang biik, nakisali ito sa grupo ng mga tuta at nakipag-unahan sa pagdede sa inahing aso.

Ang aso, nagpaubaya naman na padedehin ang biik.

Dahil sa tila pagiging maamo ng biik at ipinakitang abilidad, nagdadalawang-isip na raw ang bumili kung kakatayin pa ang biik o hahayaan na lang maging member of the family. --FRJ, GMA News