Matinding pighati ang nararamdaman ng isang ina sa Pangasinan nang malunod sa ilog ang dalawa niyang anak sa araw ng babang-luksa o first death anniversary ng panganay niyang anak na pumanaw noong nakaraang taon.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang magkapatid na biktima na sina Ruby Riparip, 8-anyos, at Randy, 7, na nalunod sa Agno River sa Aguilar, Pangasinan.

Galing umano sa sementeryo ang magkapatid kasama ang kanilang mga magulang para bisitahin ang puntod ng panganay nilang kapatid na pumanaw noong nakaraang taon.

Pero matapos mananghalian, nagpaalam ang magkapatid na maliligo sa ulan, at pinayagan naman sila ng mga magulang.

Ang hindi alam ng mga magulang, nagtungo ang dalawa kasama ang mga pinsan at kaibigan sa ilog na 500 metro ang layo sa kanilang bahay.

Kampante raw ang mga magulang ng magkapatid na hindi magpupunta sa ilog ang dalawa dahil takot ang mga ito doon.

"Mahal na mahal ko sila, ambabait na mga bata," umiiyak na pahayag ng inang si Grace. "Mahal na mahal ko kayo mga anak. Bakit niyo iniwan si mama."

Kaninang umaga, nakitang lumutang ang bangkay ni Ruby habang patuloy na hinahanap ang katawan si Randy.--FRJ, GMA News