Kung minsan sa buhay ng isang tao, dumadating ang pag-ibig sa hindi inaasahang pagkakataon. Tulad ng isang guro at isang pulis na natagpuan ang isa't isa sa checkpoint ng Oplan Sita.

Sa programang "Brigada," sinabing isang gabi noong Abril 2018 nang maisipan ng elementary school teacher na si Clarisee Jao na mamasyal gamit ang motorsiklo na hiniram niya sa kaibigan.

Nagkataon namang na-assign si Police Corporal Amir Saddaramil sa kaniyang night duty.

Ayon kay Amir, searching for the one ang estado noon ng kaniyang puso, at "plus points" sa kaniya kapag titser ang trabaho nito.

"Matalino, strict, tapos baka turuan niya akong magmahal. Tapos poprotektahan ko siya," sabi ni Amir.

Tila naging mapaglaro ang tadhana nang si Teacher Clarisse ang unang nasita ni Amir dahil maliwanag ang headlight nito.

"Pagkaalis niya ng helmet niya, bumungad sa akin 'yung magandang mukha niya. Masasabi ko na love at first sight," sabi ni Amir.

"Napangiti na lang ako noon habang hinihingi 'yung mga kailangang hingiin sa kaniya. Habang nasa akin 'yung license niya, pinatatagal ko 'yung usapan namin. Tinatanong ko kung saan 'yung punta niya, para lang ma-memorize ko 'yung pangalan niya sa license," dagdag pa ng pulis.

"Natutuwa po ako kasi ang cute niya... Tapos hiyang-hiya ako hindi ko makita 'yung last name niya kahit gustong gusto kong tingnan," pag-amin naman ni teacher Clarisse.

"Naku-cute-an po kasi ako sa kaniya noong time na 'yon. Kaya pag-uwing pag-uwi ko nagsisisi ako. Sabi ko sa mother ko 'Sayang hindi ko nakita 'yung last name ng pulis,'" dagdag ng guro.

Mula nito, hindi na nag-aksaya ng panahon si PCpl Amir at in-add si Teacher Clarisse sa Facebook, na nauwi sa madalas nilang pag-uusap.

Naudlot panandalian ang panliligaw ni Amir nang malaman niyang barangay captain ang tiyuhin ni Clarisse at tumigil siyang mag-chat para mag-ingat. Ayon kay Amir, ayaw niyang isipin ng tiyuhin ni Clarisse na niloloko lang niya ang pamangkin nito.

Muli lang nagparamdam si Amir nang mag-post si Clarisse ng graduation picture niya sa Facebook, na siyang ikinatuwa ng dalaga.

Kasal na ngayon sina Amir at Clarisse at nabiyayaan ng isang anak.

"Na-realize ko na 'yung love hindi siya basta-basta hinahanap," sabi ni PCpl Amir.

Tunghayan sa video ng "Brigada" ang buong kuwento love story na nagsimula sa Oplan City, at ang love story nina Rain at Jolo na nagsimula sa paghiram ng tabo. Panoorin.

--FRJ, GMA News