Plakadong-plakado at katimbreng-katimbre ng Tiktoker na si Thesalonika Mabangue ang actress-comedienne na si Rufa Mae Quinto. Ano kaya ang mangyayari kapag nagkausap ang dalawa?

Sa programang "IRL" ni Gabbi Garcia, ipinakilala ang Tiktoker at impersonator ni Rufa Maena  si Thesalonika, o Thesa, na isa palang guro.

Kuwento ni Thesa, sadyang masayahin siyang tao at nagagamit din niya ang pagiging kuwela sa kaniyang pagtuturo.

Bata pa lang, ginagaya na raw ni Thesa si Rufa Mae.

"Mayroon po akong isang schoolmate, sabi  niya kamukha ko raw very light si Miss Ruffa Mae, [at] medyo katimbre rin daw po ng boses. Simula noon parang, 'Ok sige try ko kayang gayahin si Miss Rufa Mae," kuwento niya.

Tandang-tanda pa ni Thesa ang unang video niya na ginaya niya si Rufa Mae, at hindi niya inasahang dadagsain iyon ng views at comments.

Masarap daw sa pakiramdam ni Thesa kapag nakakapagpasaya siya ng mga tao sa pamamagitan ng kaniyang videos.

Sa naturang panayam, hindi alam ni Thesa na makakausap at makaharap niya via Zoom si Rufa Mae na kasalukuyang nasa Amerika.

Ano kaya ang masasabi ni Rufa Mae kay Thesa, at ano ang mangyayari kapag nagkausap ang dalawa? Panoorin ang nakatutuwang reaksiyon ni Thesa na pinagpawisan daw ang kilala nang "makaharap" ang kaniyang idol. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News