Matapos na balikan nina Jak Roberto at Barbie Forteza ang mga kissing scene ng aktor, ngayon ay may pagkakataon naman ang Kapuso hunk na makabawi sa nobya dahil ang mga kissing scene ng aktres ang kanilang pinanood.

Sa kanilang pinakabagong vlog, may hirit si Jak sa kissing scene ni Barbie kay Dennis Trillo sa weekly show na "Daig Kayo ng Lola Ko: Sa Ilalim ng Buwan."

"'Di ba dapat patay na si Mr. Dennis Trillo diyan pero naka-akbay pa rin siya sakin," sabi ni Barbie kay Jak. "So aminin muna natin sa ating mga televiewer."

"Nag-iinit ulo ko ayoko nang tapusin eh," birong sabi ng aktor.

Ikinukuwento pa ni Barbie ang nangyayari sa eksena habang pinapanood nila.

"Nag-hug sa dibdib mismo. Look of love."

"Pumipitik na ako, 'yung tinginan niyo oh, ngiting-ngiti ka eh," sabi ni Jak.

At nang mangyari ang halikan na eksena, sigaw ni Jak, "Nilapat mo, nilapat mo!"

"Hoy hindi promise talaga, promise to earth," sabi ni Barbie.

Ayon sa aktres, wala ang kissing scene sa original na script.

"Alam mo ‘eto wala talaga siya sa script ang nasa script mag-yayakapan kaya lang nag-cut si Direk. Tapos kinausap kami ni Mr. Dennis na parang sabi niya parang sobrang ganda ng eksena kailangan natin i-kiss kahit smack lang," ani Barbie.

"So siyempre si Mr. Dennis Trillo bilang gentleman wala siyang sinabi so nasa akin ang desisyon," paliwanag pa ng aktres.

Inamin ni Barbie na "tween" star pa lang noon na crush niya si Dennis.– FRJ, GMA News