Isang mangingisdang ang nasawi matapos siyang mahatak sa ilalim ng tubig ng isang isdang lapu-lapu na kaniyang napana sa Negros Oriental.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, na namana ng isda ang biktimang si Jovy Narciso sa karagatang nasa bahagi ng Barangay Bolisong sa bayan ng Manjuyod.

Isang pugapo o lapu-lapu umano na may timbang na limang kilo ang napana ng biktima.

Pero kahit may tama na, nagawa raw ng lapu-lapu na makapiglas at sumiksik sa mga batuhan sa ilalim ng tubig.

Sa kasamaang palad, pumulupot sa paa ni Narciso ang lubid na nasa pana at nahatak siya pailalim at hindi na nagawa pang makaahon.

Nakita siya ng mga kasamahan nitong Martes ng umaga na wala nang buhay.

Walang nakikitang foul play ang mga awtoridad sa nangyari sa biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News