Sa murang edad, matinding pagsubok na sa buhay ang nararanasan ng isang 14-anyos na babae na may kidney problem at kailangang sumailalim sa dialysis.

Sa episode noong Martes ng "Wowowin-Tutok To Win," nakausap ni Willie Revillame ang batang si Jane at ina nito.

Naantig ang damdamin ni Kuya Wil nang malaman na kailangan ni Jane ng kidney transplant pero wala silang malaking halaga kaya kailangan na muna niyang mag-dialysis.

Para matulungan si Jane, P100,000 ang ibinigay sa kaniya ni Kuya Wil, mas malaki sa karaniwang tulong na ibinibigay ng TV host sa mga mapalad na natatawagan ng programa.

Nitong Miyerkules, ipinakita ang video nina Jane at kaniyang ina matapos na matanggap ang tulong ni Kuya Wil para magpasalamat.

Nalaman din ni Kuya Wil na dinala sa ospital si Jane matapos mawalan ng malay dahil bumaba umano ang hemoglobin.

Nagpaabot naman si Kuya Wil ng mensahe kay Jane na magpagaling at sinabing huwag mahiyang kontakin ang programa kung kailangan pa ng tulong.

"Minsan ho kala n'yo kawawa tayo. Hindi ho, may mga mas kawawa pa tayong kababayan na may pinagdadaanan [na mas mabigat] katulad ni Jane," ayon kay Wil, kasabay ng mensahe na dapat ipagpasalamat ang mga natatanggap na biyaya.--FRJ, GMA News