Isang bangkay ng lalaki na pugot ang ulo ang natagpuan sa lugar kung saan pinaslang ang isang pulis na nakatalaga sa Bacolod City Drugs Enforcement Unit. Ang ulo ng lalaki, nakita sa ibang barangay.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, nakilala ang pinugutang biktima na si Glen Paul Castillo.

Nakita ang bangkay ni Castillo na walang ulo nitong Martes ng gabi sa mismong lugar kung saan pinagbabaril at napatay si Police Staff Sergeant Joseph Nepomuceno sa Barangay 38 noong Linggo.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na sa naturang lugar pinugutan ang lalaki na nakagapos ang mga kamay sa likod.

May iniwan ding karatula sa tabi ni Castillo na may nakasulat na: "Bayad sa utang! Interest pa lang...."

Ilang oras makalipas makita ang bangkay ni Castillo, nakita naman ang kaniyang ulo na nakalagay sa plastik sa Barangay 2.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung may koneksiyon sa pagpatay kay Nepumuceno ang ginawang pagpatay naman kay Castillo.

Nakiusap si Colonel Manuel Placido, Director, Bacolod City-PNP,  na iwasan muna ang mga espekulasyon habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Ayon sa live in partner ni Nepomuceno, pamilyar sa kaniya ang lalaking pinugutan ng ulo.

Dati na raw itong nahuli ni Nepomuceno kaugnay ng ilegal na droga pero nakalaya matapos magpiyansa.

Lumitaw na kakalabas lang ni Castillo ng kulungan matapos mahuli sa isang buy-bust operation.

Dinukot umano si Castillo ng mga armadong lalaki sa kaniyang bahay ilang oras bago siya nakitang patay.--FRJ, GMA News