Umani ng iba't ibang reaksyon sa netizens ang larawan na ipinost sa social media na makikita ang tila hugis ng tao sa loob ng isang bahay na nasusunog sa Jimenez, Misamis Occidental.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing kuha ng isang netizen ang larawan noong nakaraang linggo habang kinakain ng apoy ang bahay sa Purok Uno sa Barangay Naga noong nakaraang linggo.

Tila tao na katayo o naglalakad ang naturang hugis.

Paniwala ng ibang netizens, baka senyales umano ito mula sa Diyos para umulan upang maapula na ang apoy.

May mga naghihinala naman baka kaluluwa ito ng taong nasawi.

Ang iba, naniniwala na bahagi lamang ito ng bubungan o parte ng bahay na nasunog.

Nilinaw naman ng taga-Bureau of Fire and Protection na walang nasawi sa naturang sunog.

Ayon sa ilang kapitbahay, tinamaan daw ng kidlat ang bahay bago ito nagliyab.--FRJ, GMA News