Matapos ang matagal na panahon na magkahiwa-hiwalay mula nang mawala na sa telebisyon ang kanilang programang "Okay Ka, Fairy Ko," nagkaroon ng virtual reunion ang ilan sa cast nito na sina Alice Dixson, Ruby Rodriguez at Jinky Oda.

Ngayon, parehong nakabase na sa Amerika at may kani-kanilang trabaho sina Ruby at Jinky. Habang si Alice, aktibo pa rin sa Philippine showbizness at napapanood sa Kapuso series na "Legal Wives."

Ang fantasy-romance-comedy series noon na "Okay Ka, Fairy Ko," ay pinangunahan ni Bossing Vic Sotto. Gumanap naman na misis niya si Alice bilang ang engkantadang si Faye. Samantalang si Amy naman ang role ni Ruby, at nakilala bilang Bale, si Jinky.

Paglalarawan nina Alice, Ruby at Jinky, para silang isang pamilya sa programa kaya naging mahirap sa kanila ang paghiwa-hiwalay matapos ang ilang taon na pagsasama-sama.

Tandang-tanda pa ni Alice, na bagets na baget pa silang tatlo noon. At umaasa siya na darating ang panahon na muli silang magkakasama-sama sa isang proyekto.

Pero para kina Ruby at Jinky, sino kaya sa kanila ang laging late na dumarating sa set, ang madalas makalimot ng linya, at nagdadala ng jowa? At ano nga ba ang aral ng kanilang Tunay Na Buhay? Panoorin ang buong panayam.

--FRJ, GMA News