Nakubra na ng isang 41-anyos na binata sa Cebu ang mahigit P120 milyon na napanalunan niya sa Grand Lotto 6/55 draw na ginawa noong August 30, 2021.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan, sinabing government employee sa Cebu City ang nanalo.

Sa isang lotto outlet sa Mandaue City umano nito tinayaan ang nanalong numero na 07-13-05-25-28-03, na may kabuuang premyo na P120,063,346.80.

Ayon sa lucky winner, 13 taon na raw niyang tinatayaan ang kombinasyon na pinagsama-samang petsa ng kaarawan ng kaniyang mga magulang at mga kapatid niya.

Gagamitin daw niya ang napalunan para sa tuluyang paggaling ng kaniyang ina na na-stroke, at pambayad sa mga utang.

Plano rin niyang gamitin ang pera sa pamumuhunan sa Mutual Fund at maglagay sa time deposit. --FRJ, GMA News