Laking gulat ng mga tao nang may madinig silang sigaw na nagmumula sa ilalim ng isang kanal sa India.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing humingi ng tulong ang mga tao sa mga awtoridad para alamin kung sino ang nasa kanal na may takip na bakal.

Kaagad naman kumilos ang mga rescuer na bumbero at inisa-isang baklasin ang bakal na nagsilbing takip.

Nang makagawa na ng sapat na siwang sa takip na kasya ang tao, sinilip nila kung ano o sino ang nasa loob at nakita nila ang isang lalaki.

Nakilala ang lalaki na si Amardeen Mahanrani, 18-anyos.

Ayon sa mga awtoridad, ikinuwento ng lalaki na una siyang lumalangoy sa kalapit na ilog.

Pero hindi raw nito kinaya ang current o agos ng tubig hanggang sa mapunta siya sa nabanggit na kanal.

Maayos naman ang kaniyang kalusugan pero dinala pa rin siya sa ospital para masuri. --FRJ, GMA News