Kalunos-lunos ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol na natagpuang patay at nakalagay sa eco-bag sa loob ng cabinet ng isang bahay sa Capiz. Ang hinihinalang pumatay sa sanggol, ang kaniyang sariling ina na itinago ang pagbubuntis.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing Setyembre 17 nang dalhin ng amo ang 21-anyos na suspek na itinago sa pangalang "Lyn."

Nagtatrabaho si Lyn bilang caregiver sa isang pamilya sa Roxas City, Capiz. 

Ayon sa pulisya, dati na raw naghihinala ang amo na buntis si Lyn pero itinatanggi raw ito ng huli.

Hanggang noong Setyembre 17, dinala ng amo si Lyn sa klinika para ipa-pregnancy test.

Lumitaw sa test na buntis nga si Lyn kaya ipina-ultrasound nila ito. Pero laking gulat ng amo at duktor nang lumitaw na walang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Doon na napag-alaman na bago pa man madala sa klinika si Lyn ay nakapanganak na siya.

Nakita naman ng ibang kasambahay ng amo ni Lyn ang eco-bag na nakalagay sa isang cabinet na mayroon laman na patay na sanggol na lalaki.

Sa ginawang pagsusuri sa bangkay ng sanggol, lumilitaw na sinakal o hindi ito nakahinga kaya namatay.

Idinagdag ng awtoridad na posibleng tinakpan ng ina ang bibig ng sanggol noong umiyak at hindi nakahinga.

Bukod sa amo, inilihim din daw ng babae sa mga magulang ang kaniyang pagbubuntis, ayon sa pulisya.

Pero itinanggi ni Lyn na pinatay niya ang anak, at sinabing sadyang patay na ito nang isilang niya.

Naka-hospital arrest ang babae at mahaharap sa kasong infanticide.--FRJ, GMA News