Isang 60-anyos na babae na nasa loob ng isang kainan ang nasawi matapos siyang maatrasan ng isang SUV na humaharurot na umatras sa Pampanga.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV camera ang SUV na dumating sa isang gasolinahan sa Angeles City.

Bumuwelo ang SUV paatras pero naging mabilis ang takbo nito at paatras na sinalpok ang kainan na kinaroroonan ng biktimang si Maribeth Beltran.

Muling umarangkada ang SUV at tumakas.

Bukod kay Beltran, isang kawani sa kainan ang nasaktan.

Nahuli naman kinalaunan ang driver ng SUV sa isang checkpoint, at wala siyang naipakitang driver's license.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver na hindi na nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News