Umabot ng milyong views ang Tiktok video ng isang batang babae na natatakot habang may itinuturo sa kaniyang ina sa loob ng kanilang kuwarto, samantalang dalawa lang sila.

Sa "On Record," mapapanood ang Tiktok video kung saan may itinuturo sa pinto ang batang si Thalia, kahit dalawa lang sila ng kaniyang inang si Jam Montalbo sa kuwarto sa kanilang inuupahang bahay sa San Pascual, Batangas.

Ayon kay Jam, walong taon na silang nangungupahan ng kaniyang pamilya sa kanilang apartment, pero nagsimula siyang makakita ng mga kaluluwa at elemento apat na taon ang nakalilipas noong magkaroon siya ng anak.

"Noong napansin ko na po na natatakot siya, nararamdaman ko 'yung feeling noong dating nakakakita ako, pero hindi ko nakikita kung nasaan siya, kaya tinatanong ko ang baby ko kung 'Saan siya nakatayo? Ano ang ginagawa niya?' Kasi siya lang ang nakakakita," sabi ni Jam.

Hanggang ilang saglit pa ang lumipas, ibinaling na ni Thalia ang atensyon niya sa paanan ng kama at tila nakikipaglaro na ng "Peek-a-Boo."

Hinala ni Jam, aktibo ang third eye ng kaniyang anak.
Samantalang siya, ipinasara na niya ang kaniyang third eye dahil sa takot, pero madalas pa ring nakararamdam ng kababalaghan.

Ayon kay Ghello Enoval, isang clairvoyant, hindi niya nakitang imahinasyon ang umiiral sa mag-ina dahil bigla nilang naituturo ang mga elemento umano.

Sa pamamagitan ng pagguhit, inilarawan ni Jam na may nakita siyang kaluluwa ng isang matandang babae na may saksak sa tagiliran. Habang ang panganay niyang anak ay may nakita rin na isang malaking itim na lalaki.

Tunghayan sa "On Record" ang ginawang pag-iimbestiga ni Enoval sa bahay nina Jam. Makumpirma kaya niya ang mga kaluluwa na sinasabing gumagambala sa kanilang tahanan? Panoorin.

--FRJ, GMA News