Dahil sa mga nakakakilabot na pangyayari sa isang bahay, napilitan ang pamilyang nakatira dito na umalis. Pero kahit wala na raw tao sa bahay, may nadidinig pa rin umanong kaguluhan sa loob nito.

Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Bernadette ang mga naranasan ng kaniyang pamilya sa kanilang bahay sa Pasig.

Sa loob ng bahay, makikita ang isang malaking salamin na tinakpan ng kumot sa paniwala raw ng ama ni Bernadette na may kinalaman ito sa kung ano mang elemento na nanggugulo sa kanila.

Sinabi niya na mayroon silang kasama sa bahay na "doubleganger," o nilalang na nanggagaya ng kanilang hitsura.

Minsan daw na ginaya ng  doubleganger ang kanilang ina, pero napansin ng kanilang ama na galit ito at nanlilisik ang mga mata, at bigla na lang mawawala.

May pagkakataon din daw na may inihagis na bagay si Bernadette na biglang bumalik kahit tulog ang kapatid niya na kasama niya sa bahay.

Dahil sa takot, nagpasya silang iwan na muna ang bahay.

Pero laking gulat niya nang sabihin ng kanilang kamag-anak na kapitbahay na may nadinig silang nagwawala sa loob ng bahay kahit dis-oras ng gabi.

Kaya naman pinuntahan niya ang kanilang bahay at doon nakita ang nagkalat na mga gamit, pati na ang mga picture frame na nagkabasag-basag.

Ang imahen ng Holy Family sa kanilang altar, nakita nilang nakabaliktad.

Sa kagustuhan ng ama na pakinabangan pa rin naman ang bahay, naisipan nilang parentahan ito.

Kaya naman bumalik sa bahay ang kaniyang ama upang ayusin at linisin ang bahay. Pero sa gitna nang paglilinis, bigla raw nanghina ang kaniyang ama, at pagkaraan lang ng ilang araw, binawian na ito ng buhay.

Nais ni Bernadette na malaman kung sino o ano ang gumagambala sa kanilang bahay kaya humingi siya ng tulong sa programa.

Lumapit naman ang "Dapat Alam Mo" sa paranormal investigator na si Ed Caluag upang maghanap ng kasagutan sa mga tanong ni Bernadette.

Panoorin ang video kung ano ang mga natuklasan ni Ed Caluag at magawa kaya niyang mapaalis sa bahay kung ano man ang elementong namamahay rito? Alamin.

--FRJ, GMA News