Kinailangang isara ang isang elementary school sa San Dimas, California dahil sa isang oso na pagala-gala sa lugar. Sa Wisconsin naman sa Amerika pa rin, isang oso rin ang mistulang namamasyal sa labas naman ng isang mall.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing isang babaeng oso ang gumala sa labas ng Shull Elementary School, kinailangang i-lockdown.

Binuksan din ang eskwelahan nang matiyak nang wala na sa lugar ang oso.

Bago nito, nakita na rin umano ang naturang oso sa isang residential area sa lugar.

Ipinarating sa mga awotoridad ang insidente at ligtas na hinuli ang aso gamit ang tranquilizer. Inilipat ang hayop sa natural nitong tirahan sa wild.

Bago nito isang oso rin ang nakitang pagala-gala sa labas ng isang mall sa Antigo, Wisconsin.

Tumawid pa sa kalsada ang oso bago nawala.

Ayon sa ilang eksperto, karaniwang napupunta ang mga oso sa residential area at lungsod dahil sa paghahanap ng pagkain.--FRJ, GMA News