Pinaghahanap ng mga pulis ang isa nilang kabaro matapos na maaktuhan umano ng isang lalaking overseas worker na kasiping ang kaniyang misis na nurse sa loob ng isang motel sa Quezon.

Ayon sa report mula sa Police Regional Office 4A, may ranggong police corporal ang kabaro nilang pinaghahanap matapos makatakas sa motel na pinuntahan mismo ng nagrereklamong OFW.

Nahuli umano sa akto ng OFW na magkasama sa loob ng isang kuwarto ng motel sa Lucena City ang kaniyang misis at ang naturang pulis.

Ayon sa pulisya, tumawag at humingi sa kanila ng tulong ang OFW noong Nobyembre 5, at doon ay inabutan ang babae pero nakatakas ang kalaguyo nitong pulis.

Gayunman, naiwan ng pulis sa kaniyang pagtakas ang kaniyang motorsiklo.

Dati na raw naghihinala ang OFW na may ibang lalaki ang kaniyang misis at nakumpirma niya ito nang sundan sa motel.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News