Noong una, inakala ng mga magulang ng isang babae na gawa ng engkanto ang tila maliit na sugat niya sa ilong na unti-unting kumalat sa kaniyang mukha.  Hanggang sa malaman na nila sa dalubhasa na isa itong kondisyon na tinatawag na skin tuberculosis.

Sa "Pinoy MD," sinabing bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic ay palagi nang nagsusuot ng face mask si Queenie Matahum para takpan ang kaniyang skin tuberculosis, kung saan tila kinain na ang laman sa kaniyang ilong at pisngi.

Siyam na taong gulang daw si Queenie nang magkaroon siya ng sugat sa ilong, hanggang sa lumaki at kumalat ito sa kaniyang pisngi.

Inakala ng kaniyang pamilya na nanuno o naengkanto siya. Dahil na rin sa kaniyang kalagayan, hindi na rin siya nakapagtapos ng pag-aaral at lagi pang tampulan ng tukso dahil sa kaniyang kondisyon.

"Noong elementary pa lamang po ako, kasi bawal akong makalanghap ng alikabok, kasi ang mukha ko noon sobrang sariwa sa sugat at nagdudugo kapag dumidikit sa mask kaya lagi rin akong absent dahil doon. Sobrang apektado siya sa pag-aaral ko," sabi ni Queenie, na tila nalapnos ang mukha.

Nang masuri ng Research Insitute for Tropical Medicine (RITM), napag-alamang mayroonng skin tuberculosis si Queenie, kung saan ang bacteria na nagdudulot ng impeksiyon sa baga o pulmonary tuberculosis ang siya ring nagdudulot ng pagsusugat sa kaniyang balat.

"Kapag 'yung kanilang pulmonary TB is uncontrolled, hindi nagagamot nang maaga, at medyo malala na ito, it can actually spread from the bloodstream from the lungs, papunta roon sa balat. This is what you call extrapulmonary TB," ayon kay sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez.

"Lalo na kung ang mga pasyenteng kinapitan nito ay bagsak ang immune system or may kaakibat na ibang sakit or under chemotherapy. May mga gamot na nakapagbababa ng resistensiya. Puwede rin kasing poor ang nutrition," patuloy niya.

Posible raw na nahawa noon si Queenie sa isang taong may pulmonary tuberculosis, ngunit sa balat ang epekto nito sa kaniya at hindi sa baga.

Ayon pa kay Dr. Enriquez, hindi kailangang umabot na masira ang balat, dahil nagagamot ang TB sa balat.

Mas madaling dapuan ng tuberculosis ang isang tao kapag mahina ang kaniyang immune system, sa balat man ito o sa baga.

Gayunman, hindi na gaanong pinapansin ni Queenie ang sinasabi ng ibang tao. Ngayon nga ay isa na siyang certified Tiktokerist at hindi nahihiya sa kaniyang kondisyon, kahit pa madalas na may nagtatanong tungkol sa nangyari sa kaniya.

Panoorin ang kaniyang kuwento sa video ng "Pinoy MD."

--FRJ, GMA News