Hindi napigilan ni Zoren Legaspi na maging emosyonal nang sabihin niya ang isa sa mga dahilan kung bakit minadali niyang pakasalan si Carmina Villarroel noong 2012.

Sa vlog ni Carmina, sinabi ni Zoren na ngayon lang niya ibabahagi ang impormasyon tungkol sa dahilan nang biglaang nilang kasal.

Kahit si Carmina, hindi napigilan na maging emosyonal.

"I guess your walking sa aisle, nakita ko 'yung... naiyak ako," sabi ni Zoren nang mapag-usapan nila ang kanilang kasal.

Tila pinigilan pa ni Zoren ang emosyon para hindi siya tuluyang lumuha pero hindi niya nagawa habang patuloy na nagkukuwento.

Ayon sa aktor, ang pagkakaroon ng sakit ng ama ni Carmina na si Daddy Reggie ang isa sa mga dahilan kung bakit minadali ni Zoren na magpakasal sila ng kaniyang asawa.

"Alam naman nila na surprise kasi 'yun and isang triggering point kasi nun kaya siya naging surprise at mabilisan... nagkasakit kasi si Daddy Reggie, bibigyan ng replacement," ani Zoren.

Ayon kay Zoren, hindi nakadalo si Carmina nang pulungin ng doktor ang pamilya ng aktres, at siya na ang kumatawan sa noo'y nobya pa lamang niya.

Patuloy ni Zoren, magiging 50/50 ang pag-asang mabuhay ng ama ni Carmina kapag isinagawa ang operasyon dahil na rin sa edad nito.

"Then it hit me. Kung magpapakasal kami ni Mina na hindi mawi-witness ni Daddy Reggie, useless kasi wala na mama mo, tapos 'pag naglakad ka dun wala pa Daddy Reggie mo, so for me useless siya. Kaya isa 'yon sa mga biggest triggering factor kung bakit ko minadali 'yung kasal na yun," paliwanag ni Zoren na inaalis ang suot ng shades para pahiran ang kaniyang luha.

Ayon kay Zoren, mahalaga para sa kaniya na masaksihan ni Daddy Reggie ang pagpapakasal ng anak na si Carmina.

"'Pag pinanood nila 'yun [video ng wedding] marami silang makikitang emotions na ipinakita mo sa paglalakad mo na 'yun napakadami," anang aktor. "Kaya isa 'yun sa mga pinaka paborito ko. Isa sa paborito ko dahil andun si Daddy."

Hindi na rin napigilan ni Carmina na maiyak nang madinig ang kuwento ng mister na ngayon lang ibinahagi ni Zoren.

Kaagad na ikinasal ang dalawa noong Nobyembre 2012 matapos na alukin ni Zoren ng kasal si Carmina.—FRJ, GMA News.