Marami ang nalilito sa isang 11-anyos na artistahin ang hitsura. Hindi kasi nila malaman kung siya ba'y babae o lalaki?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang vlogger at talent sa telebisyon na si Jom Aldrich Manzala.

Paglilinaw ni Jom, isa talaga siyang lalaki pero madalas na napagkakamalang babae. Kung minsan ay inaakala rin na isa siyang lesbian o gay.

Kuwento ni Jom, maigsi talaga ang buhok niya noon. Pero nang makaroon ng pandemic, hindi na siya nagpagupit.

Gusto rin umano ng kaniyang ina na subukan niyang magpahaba ng buhok. Pumayag naman siya dahil baka lalo siyang maging guwapo.

At nang humaba na ang buhok niya, doon na nagsimulang malito ang mga tao na nakakakita sa kaniya dahil nagmukha na siyang babae.

Ayon kay Jom, natatawa na lang siya sa mga comment na nagtatanong kung babae o lalaki ba siya. Kung minsan, mayroon ding mga nang-aasar.

Ano nga ba ang beauty o pogi secret ni Jom sa makinis niyang kutis? At bakit nga ba mukha siyang babae? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News