Bunga sa matinding selos na may tumatawag at nagpapadala raw ng mensahe sa kaniyang asawa sa Facebook, ang isang babae sa Davao del Norte, sinilaban ang kaniyang sarili.

Ayon sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nangyari ang insidente sa isang palengke sa Panabo City noong nakaraang linggo.

Sa kuha ng CCTV camera. makikita ang babae na itinago sa pangalang  "Marie," na nakaupo sa gilid ng daanan. May ibinuhos siyang likido na nasa boteng plastic, at pagkatapos ay sinindihan ang sarili.

Nagliyab ang babae ng may 30 segundo bago may dumating na saklolo at binuhusan siya ng tubig.

Dinala si Marie sa Southern Philippines Medical Center para gamutin. 

Namamaga at nangingitim ang kaniyang mukha, sarado ang mga mata at may sugat sa labi at tenga.

Ayon kay Dr. Mark Joseph Del Fierro, Chief of the Surgery Department, nasunog ni Marie ang kaniyang lalamunan nang malanghap niya ang apoy.

Dahil dito, may panganib na magkaroon siya ng komplikasyon dahil namamaga ang daluyan ng kaniyang hangin na posibleng magsara, at hindi siya makahinga.

Ipasusuri din siya sa psychiatrist, dahil sinabi umano ni Marie na may nadinig daw siyang boses bago niya gawin ang pagsunog sa sarili.

Inihayag din ni Marie ang sama ng loob sa kaniyang asawa na mayroon umanong ibang babae.

“May kasama siyang iba doon sa Messenger. Kasi hindi nakuntento sa mundo,” saad niya.

“Nagseselos ako bakit siya palaging nag-vi-video call sa asawa ko, nag-chat sa asawa ko,” patuloy ni Marie.

Itinanggi naman ng mister niyang itinago sa pangalang “Jake," ang hinala ni Marie. Hindi raw niya alam ang tungkol sa babaeng pinagseselosan nito.

Pero ang ina ni Marie, naniniwalang may ibang babae si Jake.

“Dati pa kahit pa nandoon sa bahay. Ang babae kasi ang nag-vi-video call kay Jake,” anang ina.

“Imposible naman na ang picture niya at ang picture ng babae pinag-isa kung wala silang relasyon,” dagdag niya.

Ayon sa ina, sinabihan na niya ang anak na hiwalayan ang asawa dahil sa hinala niya na sinasaktan ni Jake ang asawa.

Pero itinatanggi raw ito ni Marie.

Tiniyak ni Jake kay Marie na mahal pa rin niya ang asawa.

"Baby huwag ka nang mag-ganyan baby. Huwag ka nang mag-isip ng mga hindi mabubuti. Basta ang importante baby, mahal na mahal kita baby," saad ng lalaki.

Dahil kakailanganin ni Marie ng mahabang gamutan, nananawagan ang kaniyang ina ng tulong para sa mga gamot na kakailanganin ng anak.

Sa mga nais magbigay ng donasyon, maaaring ipadala sa:

BANK: BPI
BRANCH: BPI Lanang Davao City
Account Name: Noe Jr Jakosalem
Account Number: 022 900 3769
Mobile Number: 0955 432 6403 / 0951 801 3222

GCASH ACCOUNT:
NAME: NOE JR JAKOSALEM
NUMBER: 0951 801 3222

Kung may kakilala na kailangan ng makakausap o payo, maaaring tumawag sa Hopeline (02) 804-4673; 0917-5584673.

—FRJ, GMA News