Walang mata at kasinglaki ng kamatis ang tumubong pigsa sa kilikili ng isang babae. Nangyari raw ito matapos siyang mag-DIY o do it yourself na pag-wax sa kilikili. Posible nga ba itong mangyari?

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Kristine Jacob na nitong Pebrero niya ginawa ang DIY na wax na nakita niya sa internet.

Ipinahid niya ang wax sa kilikili at naging epektibo naman daw sa pag-alis ng buhok. Pero nawala nga ang buhok, may lumitaw naman daw na butlig.

Pagkalipas pa ng ilang araw, unti-unti nang lumaki ang butlig hanggang sa maging kasinglaki na ng kamatis at namamaga.

Ayon pa kay Kristine, naging mahirap para sa kaniya ang matulog, maligo at maging sa pagbabanyo dahil sa butlig na naging pigsa.

Kuwento pa ni Kristine, isang oras matapos daw niyang gawin ang DIY na pag-wax, nabasa niya ang kaniyang kilikili. At pagkaraan ng dalawang araw, doon na lumitaw ang butlig na naging piga.

May kinalaman nga ba ang DIY wax at agad na pagbasa sa kilikili sa pagkakaroon ni Kristine ng malaking pigsa na walang mata?

Alamin sa video ang paliwanag ng eksperto at kung papaano inalis ang pigsa ni Kristine. Panoorin.

--FRJ, GMA News