Naagnas na nang matagpuan ang bangkay ng American singer-songwriter na si Keith Martin sa kaniyang condominium unit sa Libis, Quezon City nitong Biyernes. 

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, inireklamo umano ng ibang nakatira sa gusali ang masangsang na amoy na nanggagaling sa unit ng 55-anyos na American singer, na kabilang sa mga hit song ay ang "Because of You."

Nang puntahan ng mga awtoridad ang unit ni Keith, kasama ang mga taga-Barangay, doon na nakita ang naaagnas niyang bangkay.

Ayon kay Police Lt. Colonel Cristine Tabdi ng Station 12 ng Quezon City Police District, ang Criminal Investigation and Detection Unit ang magpapatuloy ng imbestigasyon sa nangyari kay Keith.

Isasailalim din sa awtopsiya ang mga labi nito para matukoy kung ano ang kaniyang ikinamatay.

Samantala, iniulat ng ulat ng PEP.ph, na hindi makapaniwala ang singer-actress na si Sheree, sa nangyari sa kaniyang kaibigan na si Keith.

Naging matalik na magkaibigan daw ang dalawa nang magpasya si Keith na manirahan na sa Pilipinas. Nagkaroon pa umano ng music collaboration ang dalawa.

Sinabi umano ni Sheree na hindi maganda ang pakiramdam ni Keith nang huli niya umano itong makita kaya pinayuhan niyang magpatingin sa duktor.

Nagpapadala rin daw siya ng text message nitong nakalipas na mga araw pero hindi sumasagot na kaniyang ipinagtaka.

Plano raw sana niyang imbitahan sana si Keith sa kaniyang podcast sa Sabado. --FRJ, GMA News