Nagpapagaling sa ospital ang isang 68-anyos na lola sa Iloilo matapos na duguin bunga ng panggagahasang ginawa umano ng 19-anyos na lalaki. Bago halayin ang biktima, sinabi pa umano ng suspek na "age doesn't matter."

Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen noong Linggo ng gabi sa Barangay Medina, sa bayan ng Anilao, Iloilo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dumalo sa birthday party ang lola at nandoon din ang suspek na Grade 11 student.

Pagsapit ng 10:30 pm, nagpasya ang lola na umuwi na, at nagpresinta naman daw ang suspek na kakilala ng apo ng biktima na ihahatid siya sa bahay.

Pero habang nasa daan, doon na umano nagpahayag ng masamang intensyon ang suspek sa biktima.

Sakabila umano ng pakiusap ng biktima na matanda na siya at may mga apo na, nagsabi umano ang suspek na, "age doesn't matter."

Dahil sa takot na patayin siya ng suspek, wala nang nagawa ang biktima.

Nang makauwi nang bahay, napansin umano ng mga kaanak na dinudugo ang biktima kaya sinabi na nito ang nangyari sa kaniya.

Dinala sa ospital ang lola at patuloy na nagpapagaling.

Hinahanap naman ang suspek na, ayon sa ina ay mabait na anak at hindi umano magagawa ang naturang krimen.

Sinabi naman ng opisyal ng barangay na may dati nang rekord sa kanila ang suspek dahil sa pakikipag-away. --FRJ, GMA News