Napahagulgol sa labis na tuwa ang Kapuso comedienne na si Herlene “Hipon Girl” Budol dahil sa bagong achievement na kaniyang nakamit sa buhay.

Sa kaniyang vlog, ibinahagi ni Herlene na matapos ang ilang taon niyang pagtatrabaho mula nang madiskubre sa "Wowowin" ay makakabili na siya ng kaniyang kauna-unahang sasakyan.

Nagtungo si Herlene at ang kaniyang manager at vlogger din na si Wilbert Tolentino, sa isang auto shop para pumili ng kaniyang sasakyan.

Sinabi rin ng komedyante na matatanggap na niya ang kaniyang unang sahod sa pagba-vlog na sinimulan niya noong 2020.

Marami ang naaliw nang iniuwi pa ni Herlene ang malaking symbolic key ng auto shop. Itinabi pa niya ito sa pagtulog at pinaliguan pa bago bumalik sa shop para kunin ang sasakyan.

At nang iabot na kay Herlene ang susi ng sasakyan na kaniyang napili, hindi na napigilan ng komedyante na maiyak sa tuwa dahil sa katuparan ng kaniyang pangarap.

“Hanggang ngayon hindi ako makapaniwala sa pangyayari, mga KaSquammy. Dream come true at para akong nanaginip," ani Herlene.

Nangako rin si Herlene na magsisikap pa lalo siya sa kaniyang pagtatrabaho para makamit ang iba pa niyang pangarap at para sa kaniyang pamilya.

Matatandaan na 2019 nang madiskubre si Herlene nang maging kalahok sa "Wowowin." Matapos nito, naging co-host siya sa programa, at lumabas na rin sa iba't ibang GMA shows.

Mapapanood si Herlene sa upcoming GMA rom-com series na "False Positive" na pagbibidahan nina Glaiza de Castro at Xian Lim.

--FRJ, GMA News