Sa halip na kanin, saksak sa tagiliran ang ibinigay ng isang ginang sa kaniyang naghahapunang mister sa Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, isinugod sa ospital ang biktimang mister na itinago sa pangalang "Luis."

Naaresto naman at nakadetine sa himpilan ng pulisya ang misis niyang suspek na si "Josie," hindi rin tunay na pangalan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nangyari ang insidente habang naghahapunan sa kanilang bahay ang biktima sa Sto Domingo, Iloco Sur.

Nauwi umano sa pagtatalo hanggang sa saksakin ng ginang ang kaniyang mister na nagpasandok umano ng kanin kahit malapit siya sa kaldero.

Ayon kay Police Leiutenant Rodel Marzon, Officer in Charge ng Sto Domingo Police station, sinabi ng suspek na self-defense umano ang nangyari dahil sinusuntok umano siya ng asawa.

Pero nang tanungin umano ang mga anak ng mag-asawa, wala raw nakita ang mga ito na panununtok ng biktima.

Nagiging iba-iba rin umano ang sinasabi ng ginang, at inihayag ng mga kaanak na tila mayroon umanong problema sa pag-iisip ang suspek.--FRJ, GMA News