Makapanindig-balahibo ang karanasan ng isang lalaki matapos niyang mai-record ang panggagaya sa kaniyang boses ng kaniya umanong doppelganger. Na-videohan niya daw ito nang kumatok sa kaniyang apartment.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Michael Cano, isang telebanker na nagtatrabaho sa graveyard shift, na 3 a.m. noong Oktubre 2021 nang may narinig siyang boses na nagmumula sa kaniyang banyo.

"Boss? Naririnig niyo boss? Bossing!" sabi ng boses na tila ginagaya si Michael.

Hinala ni Michael na ito ang kaniyang doppelganger.

Ayon kay Michael, nagparamdam na rin ang doppelganger sa kaniyang mga katrabaho, kung saan may pagkakataon na inakala nilang si Michael ang tinatawag nila, ngunit rest day pala ni Michael at wala sa opisina.

Ginugulo rin si Michael ng kaniya umanong doppelganger, na gabi gabing kumakatok sa kanilang pintuan. Kapag bubuksan niya naman ang pinto, walang tao na nagpapakita.

Nang muling kumatok ang doppelganger umano ng 3 a.m., nagpasiya na si Michael na kunan ito ng video.

Mula sa bintana, lumitaw ang isang tila hugis tao na walang tigil sa pagkatok.

"Naaninag ko po na he was looking down," sabi ni Michael, hanggang sa nilingon siya ng anino. "Noong na-zoom in ko na po siya doon po ako natakot kasi naaninag ko 'yung dito (mukha) niya. Kalbo po talaga siya, may bigote. Hindi po talaga ako nagkakamali, mukha ko po talaga."

Dahil dito, binisita na siya ng paranormal researcher na si Ed Caluag.

Pagpasok sa apartment, naramdaman na agad ni Ed ang pagdaan ng isang anino. Pagbisita sa banyo, ipinaliwanag ni Ed na ito ang nagsilbing open portal ng doppelganger umano.

Sa pagsasagawa nila ng ritwal, tila dinala sina Ed at Michael sa isang pangyayari na may tubig at ilog.

Dito, inamin ni Michael na mayroon siyang nalunod na kaibigan na nabigo niyang sagipin.

Hanggang sa tila hindi na kayang gawin ni Michael ang ritwal dahil sa kaniyang nakita, at pilit niyang ipinapatigil kay Ed ang kanilang ginawa.

Ano o sino ang nakita ni Micheal sa ritwal na ginawa nila ni Ed na labis niyang ikinatakot? Panoorin ang episode ng "KMJS", at alamin din ang paliwanag ng isang batikang direktor tungkol sa mga video ng panggugulo ng doppelganger umano ni Michael.-- FRJ, GMA News